Uy, part 3 na! Ibig sabihin, ang dami pala talagang “MERON” sa Sta. Clara.
Pagkatapos ng fiesta e sunod na ang November 1. Ooopppsss, walang masyadong action sa barrio dahil ang aktibong barangay sa mga ganitong panahon eh ang San Joaquin. Wag nang itanong kung baket. Ang magtatanong kung baket e siguradong dayo o di lihitimong taga Sta. Clara. Kung ikaw yun, at kyuryus ka kung baket e pakitanong na laang sa katabi mo.
Basta sa gabi, yan uso na ang “Kaluluwa”. Mga kaluluwang nagkalat sa kalye na me dalang gitara at maracas. Humanda ka! Kelangan maaga pa e magpapalit ka na ng barya. Pag tapat sa bahay nyo ng kaluluwa, yari ka! O siguro mas tamang sabihing "yari ang yong bulsa".
Ang masaya talaga eh ito : PASKO.
Sa aming nayon ang simula ng pagdiriwang ay pagkatapos ng November 2. Aha! Umpisa na ng sabitan ng Christmas décor. Patay -sindi na ang mga ilaw (na malimit e nauuso laang sa Alibang-bang, Pegasus, etc.). Habang papalamig ang simoy ng hangin ay lumalakas na rin ang kita ang SM, Robinsons at Fiesta Mall sa Lipa.
Patalastas : Magbubukas na raw ang SM San Pablo. Di laang daw sigurado kung grocery laang muna or buong mall na.
Ok, balik sa Pasko. Sa simbang gabi, of course, very visible sa eksena ang mga manang. Sila laang baga ang matatag. Yung iba e sa unang misa laang ganado. Tapos paunti na nang paunti ang nagsisimba. (Tsismis : maraming nagsisimba para laang chumika, makita ang crush at kung ano pang drama. Pero pag misa na, ZZzzzzzzz…. tulog! )
Puputok na naman ang simbahan sa dami ng tao bago mag Noche Buena. Paano ga naman ay lahat gusto mag greet ng “Happy Birthday, Jesus”. Tapos pasarapan ng handa sa mga bahay-bahay.
Sa umaga naman kalat na naman sa kalye ang matanda, bata, me ngipin at wala. Pasko na eh. Suot na ang mga di pa man laang nahahanginang bagong damit. Fresh from the tindahan, wala nang laba-laba. Pagkakataon na magpuno ng bulsa ng di naman masyadong pagod. Lakad laang at kunting kuskos ng mga kamay ng matatanda sa noo ng mga bata. “Mano po.” (Parang titulo ng mga pelikulang pinroduce ni Mother Lily).
Pag bata, di na yan kakain. Kelangan nyan e pera. Pag matanda, me kasama pang chika at pambobola. “Tiya, namiss kita.” O kaya naman, “Ninang, kumusta po?” Pero yan e inip na. Sa loob-loob laang, “ang tagal naman magbigay.”
Sa gabi me karoling. Yung mga naiwang kaluluwa nong Nov. 1 eh alin man sa humahabol o umuulit laang.
Pag marami kang kamag-anak, hanggang Bagong Taon ang Pasko. Minsan extended pa hanggang Three Kings.
“Magandang Pasko poooo!!!” Ooopsss, “Kanino kang anak?” Malayo nang pinsan pala, “Eto dalawang piso.”
“Oh , ikaw, anak ka pala ni Tita ganito. Bente sa yo.”
“Malaki ang utang na loob ko sa Inay nyan. Eto ang singkwenta, iabot mo.”
“Yan pala ang anak ng teacher ni Junior. Hija, eto ang sangdaan. Pakisabi sa mommy mo, ipasa naman ang anak ko, ha.” (oh joke na yan.)
Bago mag Bagong Taon, me kanya-kanyang gimik yan. Me party ng kabataan, palaro sa mga bata, reunion ng mga magkakamag-anak at Pasahan ng Itlog ng mga Bakla. Arruuuu! Ang ibig kong sabihin, me party rin ang mga ikatlong gender. At me games din minsan. Yun nga ang sample na game, alin man sa Pasahan ng Itlog o Pitikan ng Talong (hanggang sa umusod sa finish line. Mauna , manalo.)
Media Noche naman sa New Year! Lahat sasalubong. Malimit sinasalubong ka ng putukan. Pag ganyan, bilisan mo na lang ang takbo. Palayo ha, wag palapit kung ayaw mong masaktan.
Sa lahat ng selebrasyon sa aming barangay, ang panahon ng Kapaskuhan ang pinakapaborito ko. Sobrang saya at dinadayo. Walang patid ang batian ng Merry Christmas sa KALYE NG STA. CLARA.