Noong di pa ako napasok sa “iskul”, ang alam kong meron sa Sta. Clara ay ….
Basahan ng Pasyon sa Tuklong pag Mahal na Araw. Alam mo ga ang Tuklong? Iyung maliit na simbahan.
Ang ginagawa namin noon ay sasama kina Nanay. Sa amin ang “Nanay” ay hindi ina kundi “lola”. Pero noong panahon namin, pag ang tawag mo sa iyong Nanay ay Lola, aba sosyal na sosyal ka na. Siguro ang ina mo e teacher. Ahhh, ay lalo na kung ang tawag mo sa ina mo ay “Mommy”. Abaaa, ay rich ito. Yan ang mga kung pumasok sa iskul ay nakasapatos at may baon pang “Milo ”. Minsan naman ay “Ovaltine”.
Mabalik tayo sa Pasyon sa Tuklong. Maraming nagpapakain noon. Habang nabasa ang mga nanay namin e naka-abang naman kami kung anong susunod na pameryenda. Ano gang pinitensya na bawal ang kumain ng marami at “patay daw si Hesus”? Wala! Parang nabaha ng pansit, aroskaldo, puto, sopas, goto, at kung ano-ano pa.
Pagkatapos ng mula Lunes Santo hanggang Byernes Santong magdamagang basahan ng Pasyon (take note: pataasan yan ng boses ha) ay botohan naman kung sino ang susunod na presidente ng Kapisanan (ng Gintong Pag-asa).
Ano pa?
Dahil nag election ng Kapisanan, ang susunod na okasyon ay Flores de Mayo kung saan araw-araw ay me alay ng bulaklak sa Birheng Maria sa simbahan. Yan e pag me handa ang tawag ay “pa-flores”. At pag walang handa e “pakandila”.
Sa umaga e kukunin na ang “Ave Maria” sa simbahan. Yang Ave Maria ay mga kahoy na me butas na maliliit kung saan ipinapasok ang tangkay ng bulaklak. Nakaporma yan sa salitang, AVE MARIA. Me dalawang kahoy parang extra na nagsisilbing border sa dalawang tabi. At tatlong malalaking kahoy na popormahan din ng bulaklak para sa Hermana sa gitna at dalawang Dama. Sana naman sa makakabasa nito e magsend kayo ng picture at nahihirapan akong mag describe ng Ave Maria.
Pag mag-a- ala una at alas dos ng hapon e mangungusap na ng mag-aalay. Kalat sa kalye ang mga batang babae at magpapapansin sa “mangungusap”. Mga KSP ang dating at kulang na lang ay magprisinta na sila para makasali.
Mabalik ako
sa Ave Maria. Ang pila kasi nyan sa simbahan e matatangkad sa likod, at paliit habang papauna. Lahat gusto makahawak ng Ave Maria. Minsan pag kahiyaan e according to age. Kahit pandak ka e sige sa likod ka na lang kahit lubog ka na sa pila.
sa Ave Maria. Ang pila kasi nyan sa simbahan e matatangkad sa likod, at paliit habang papauna. Lahat gusto makahawak ng Ave Maria. Minsan pag kahiyaan e according to age. Kahit pandak ka e sige sa likod ka na lang kahit lubog ka na sa pila.
Pagtapos ng kainan e deretso sa simbahan. Kalat ang “Kapisanan” na nagpapatigil ng ingay nga mag-aalay. Galit nag alit naman ang mga kantura dahil sa labas ng simbahan e maingay ang Kapisanan. ( Hmmmm, maalala ko lang ha, malimit na me kinakasal na miyembro ng Kapisanan pagkakatapos ng Fiesta. Sa “alay” siguro nabuo ang “matamis na pagtitinginan”. )
Pag naririnig mo na ang mataginting na “LUKREMARONG”. Sagutan yan ha. Kanta ang Primera Kantura “aka” soloista, “Lukremaronggggg????” sa tonong parang nagtatanong. Pag sumagot na ang iba ng ewan kung AMEN baga iyun. Basta alerto na ang mag-aalay at malapit na magsimula ang pagkuha ng bulaklak.
Ang inabutan ko na “Lokremaronger” o ang nagsosolo sa Lukremarong ay sina Nanay Kudring, Nanay Uren at Nanay Dinang yata. Nakalimutan ko na ang iba pero ang batikang mamumuno sa dasal sa simbahan e Nanay Dinang. Pero sa “Bihisan” naman ng Santa Clara e Nanay Ilad.
Latin ang kalahati ng dasal na pakanta at aliw na aliw ako pag nagdadasal nang halos pabulong at ang dulo ay ‘’turom”. Ewan kung tama ga ang dinig ko kung turom nga iyon. Basta ngiti na ako pag narinig ko ‘’blah-blah-blah..turommmm”.
Sa Mayo din ang “BUNUTAN”. Hinde ng ipen ha. Yan e bunutan kung sino ang magrereyna sa “Tapusan” ng alay. Pwede kang bumunot kung ikaw ay may dugong taga Sta. Clara kesehodang hindi ka dito nakatira.
Hermana, dalawang Dama, isang Sagala. Apat lang ang papalaring mkabunot. Ang ang iba ay uuwi na dala ang pag-asang “me next year pa”. Karamihan ng di nakakabunot ang motto ay “Never Say Die”. Hanggang di nakakabunot, sige sa susunod na Tapusan e bunot pa rin ng bunot. Yung iba ay di na talaga nakaswerte at nagka-asawa na. Pero dahil ang motto nga e “Never Say Die”, pag ang anak na babae ay medyo tinutubuan na ng “boobs”, hala, bubunot na. Itutuloy ang naunsyaming pangarap ng ina.
Ang mga nakabunot naman ay magiging busy na sa pagpapasukat at pagpili ng “saya” (gown). Dahil sa Tapusan, sila ay rarampa na sa KALYE NG STA. CLARA.
No comments:
Post a Comment