Natatandaan mo pa ga ang mami sa tindahan ni Ka Pacing sa mismong harap ng gate ng iskul? Sa harap nila ang tindahan pero me lamesa sa kusina nila at doon nakaupo ang mga kumakain ng mami. Puro higop laang ng sabaw at ititira ang mike. Pag naubos ang sabaw ay hihinge ulet. Parang hanggang hinde natunog ang bell ng iskul ay panay ang hinge at higop at pag nag bell na saka laang kakainin ang laman at pagtayo ay tulo na ang pawis. Solved !!!
Marami rin tayong binibiling kendi na “Yes” at “Caramel”. Andyan din ang makunat na kulay pulang “Tira-tira”. Hinde ko alam kung anong presyo ang inabot mo pero yung presyo na inabot ko, ayaw kong pag-usapan at mahahalata ang edad ng mga kabatch ko. Mas bata ako ng isang taon sa kanila. Hehe.
Nakakain ka rin baga ng “Sundot-Kulangot”? Matamis-tamis yun. Matamis din ang “Sangkaka” , “Pakumbo” at “Buk(h)ayo”. E yung “Mr Cinco” inabot mo? Kung wala kang pambala sa pamamaril ng ibon sa bundok e pede mo na rin yan ipanghalili yang Mr. Cinco. Mura pa.
Eto ang isa pang nakakamiss, iyung “Sumang Yapos” ng Nanay Tinang. Nakpwesto yan sa me tagiliran din ng tarangkahan ng iskul. Me kaunting habong. Pag inilagay sa platito ang suman ay maiiwan ang dahon sa ilalim para di dikit sa mismong platito. Saka bubuhusan ng malapot na “kalamay-hate”. Ayyyy, nakakatakam. Me libre nang isang basong tubig yan para mabusog ka. Burrrppp ! (Excuse me po!)
Naalala mo pa ga ang Nanay Nate na nagtinda ng “Bibingkang Kanin”? Wala yang regular na pwesto sa harap ng iskul. Pag laang me tinda sya ay me dalang dalawang “bangkito”. Ang isa ay uupuan nya, ang isa ay pagpapatungan ng bilao. Sarap na sarap ako dyan sa malagkit na puti ang ilalim pero ang ibabaw e me parang arnibal o kalamay-hate din yata. Hinahati nang pa –diagonal. Panay ang pilian ng mga bata kung alin ang pinakamalaking hati. Kakaiba ang lasa. Kaka-adik.
E yung tinuhog na dalawang saging na me asukal, inabot mo? Banana-Q. iyon. Pero noong bata ako , pag bumili kami noon e ganito, “Pabili po ng isang barbikyu”. Sabagay parehas din naman ang tunog. Parehong me “Q”. Pwede na rin iyun. Ang batikang nagtitinda nyan ay Nanay Nura. Pag medyo sawa na sa “barbikyu” ay “Sagimis” naman. Yan namang sagimis ay walang iba kundi ang mahiwagang “Turon”.
Hanggang umabot na sa pati ang Nanay Juaning Baled ay nagdadala na rin ng tinapay sa iskul. Ibabagsak sa mga maestra at ititinda ng estudiante. Pag meron kayong class officers, malamang ang naka assign sa inyo ay ang “Business Managers”. O di ga at ginagampanan ang tungkulin. Minsan naman e me naka assign kada araw. Dala-dalawang estudiante. Sumasawa na rin naman ang Buss Managers na magbilang ng di nila pera. Me extra grade na laang siguro sa practical arts or sa “extra curricular activities” ang masisipag magtinda.
Saan ga napunta ang mga kinita sa tinapay? Malamang ito ay pondo ng iskul. Kesa naman mag-ambagan pa ang mga magulang ng bata sa mga proyekto ng iskul e dyan na lang sa tubo hinuhugot. Ewan ko rin laang pero parang pati floor wax naming ginagamit sa classroom e galing sa tinubong yan.
Dumating ang panahon na nagtitinda na rin ng mami sa bahay nina Ka Letting Ado . Sumunod ang kay Ka Normang Edren.
So far e yan pa laang ang aking naalala sa mga kinain ko ng reses noong araw.
Ikaw, klasmeyt, me naalala ka pa ga?
Ang maganda lang nyan, hinde na masyadong maiinitan at mahihirapan ang mga nagtitinda sa reses dahil me mga pwesto sila na malapit sa eskwelahan, tindahan mang totoo yon o temporary lamang. Mas magaan na rin yan kesa naman maglako pa sila sa KALYE NG STA. CLARA.
No comments:
Post a Comment