Popular Posts

Wednesday, September 29, 2010

Sa Sta. Clara . . .

… marami ang ikinabubuhay ay patahian. Marami rin ang nagsasaka at nag-aalaga ng hayop.

… bukod sa mga kalye, meron pa ring silang tinatawag na “Pugad Maya”  na sa totoo lang ay di ko pa rin nararating hanggang ngayon.  May isa pa pala,  ang"Barangay Ginebra".

… obvious ga na lahat ay deboto ng Mahal na Sta. Clara ?
… sangdamakmak ang samahan na di naman nakaregister sa kahit anong libro ng official organizations: Kapit-Bisig; SM Boys (ano ga ito, Shoe Mart???); Boy Silay;  Mapataas Mapababa Aray ;  Clarenian Rhapsody Club (CRC)  ;  Kapisanan ng Gintong Pag-asa ;  Bunsong Anak ; Aeons,  etc. etc.   hindi naman ibig sabihin na kapag wala ka sa listahang ito e hinde ka sikat.  Mas malamang lang na wala kayong member na kakilala ko.  Sorry naman, tao lang, medyo minsan ay kulang sa inpormasyon.  Mabuti pa ay mag-email ka sa akin or mag comment ka dito para sabihin mo ang organisasyon mo para mailagay ko.
… dalawa ang paaralang pampubliko :  University of St. Claire and St. Claire Academy.   Joke!   Yung kaatotohan ay  Mababang Paaralan ng Sta. Clara sa  Kalyeng Iskul at Sta. Clara Barangay (Nationalized) High School sa Kalyeng Ilaya.

... me private school , ang Greenville. 

…  kelan lamang e nagkapangalan na ang mga kalye.  Alam mo ga iyung
G. Jaurigue St. at Castillo St. baga iyun?   Pasensya na at di ko masyadong natitigan ang karatula.

…  pero kahit walang pangalan ng kalye, ang sulat ay natatanggap dahil kabisado na ng koreo ang mga tao.

…  pag me okasyon at takot na ulanin ay nag-aalay ng itlog sa paanan ng imahe ni Sta. Clara.

... merong alyas na "Tigbalang"

…  ang Antonio ay pusa

…  ang Pedro ay bayuko

…  ang Hernandez ay labuyo

... ang Baled ay kabayo

…  me lahi na ang bansag ay Piyayay at  Loro

…  huy, ito, medyo sosi na kami.  Me linya na rin ng telepono.  O di ga, kasosyal-sosyal na.

… birthday mo baga? kasal, anibersayo?  Anong kelangan mo,  venue???  Me resort na rin sa Sta. Clara , ang Villa Luciana. (aba libreng promotion ito.  Palibre naman ng swimming dyan.)

…  me banko na rin sa aming nayon.  Rural Bank.  Ayaw ko na bangitin ang  pangalan at wala namang bayad ang promotion dito.  Hehehe.  Yung totoo, di ko alam ang saktong banko na yan.

…  bihira ang pamilyang walang kamag-anak sa abroad.  Alin ang pinakamaraming migrants dito?  Nasa Canada kaya? US, Italy,  London,  Saudi,  Dubai, Abu Dhabi, Singapore, Saipan, Japan, Korea, Guam, Spain, Belgium, France …. (hingal.. hah…hah…)  di ko na mabanggit ang iba.

…  ang balikbayan ay karaniwang nagpapa-inom.  Aruuuu, ayaw ko nito.  Nakakaubos ng pera.  Minsan kahiyaan na pero sige pa kahit medyo tagilid na ang bulsa.

...   At pag nakainom na, minsan di maiwasan na me marinig kang sumisigaw o nagwawala sa KALYE NG STA. CLARA. 

(…    to be continued . . .)

Friday, September 24, 2010

Sept. 23, 2010 - Maulan

Maulan sa Sta. Clara ngayong araw na ito.  Sobrang lakas.  Pero pagdating mo ng San Agustin,  sabi ng isang tricycle driver ay tuyo naman daw ang kalsada. 

Pag ganyang umuulan, ang palagi kong naiisip ay ang “Palantad”.  Nakakatakot na umapaw na naman ang tubig gaya ng panahon ng Ondoy.

Nakakatakot ding isipin ang mga balita na sa ngayon ay wala pa namang kumpirmasyon kung totoo or  hinde.  Yan ang ang mga balitang ika-quary na daw ang bundok.  Ang epekto nito tyak ay ang  mabilis na pagdaloy ng tubig at di malayong lumubog ang ating barangay.

Sana hindi naman totoo ang balitang ito. Dahil kung totoo, pag nagkataon ay mawawala na ang ganda ng ating nayon.  Hindi na masisilayan  ng ating mga anak, pamangkin at apo  ang magandang bundok, ang mga puno at halaman.  Magbabago na ang klima at di na nila mararamdaman ang  malamig na hangin sa umaga.  Katatakutan ang bawat pag-ulan at  hindi na tao kundi tubig baha na ang dadaan sa KALYE NG STA. CLARA.

Wednesday, September 22, 2010

Baket dati ay December 26 ang Pasko sa Sta. Clara?

Kinagisnan ko na ang Paskuhan sa Sta. Clara ay December 26 sa halip na December 25.  Gawa ng ayan ay may kwento.  Ganito……
Noong unang panahon daw kung kelan di pa nauuso ang ang pagsusuot ng “Magic Kamison” ng Regal Films  (kung saan sumikat si Dina Bonevie sa original version ng “Katorse” at Snooky Serna sa “Bata pa si Sabel”),  ang bahay sambahan sa Sta. Clara ay yun pa lang Tuklong.  Ayan na naman ang Tuklong ha.  Maliit na simbahan.

Wala ring regular na misa.  Maaaring dahil sa kakulangan ng pari sa parokya ng Sto.  Tomas  o dahil hindi pa maayos ang kalsada.  Ang mga tao ay maagang gumigising sa December 25 para magluto at magbaon ng pagkain papunta sa bayan.  Sa bayan laang daw baga ang misa.   Dahil naglalakad laang ang mga tao paluwas ng Sto. Tomas, dumarating sila doon ng halos magsisimula na ang alas dose na misa.

Pagkatapos ng misa, ay bubuksan na ang mga “binalot”.   Lafangan na, sa madaling sabi.  Pagkatapos ay mamahinga nang kaunti at baka naman pumutok ang appendix kung maglalakad ng busog, di ga?  Pag nakapahinga ay tayuan na at balikan na sa Sta.  Clara.  Dahil pagod na sa paglalakad,  ang mga  “Clarenians”  ay natutulog na lamang pagdating ng bahay.  At sa December 26, paggising nila,  ayun ginawa na nilang extension ng birthday ni Jesus.  Galaan na at Paskuhan.

Pero kailan lamang , dahil sa regular na rin naman ang misa sa atin pag Pasko, itinama na rin natin ang selebrasyon sa petsa, December 25.  Noong una,  ramdam ang pag-ayaw ng iba.  Pero lumaon e sumunod na rin sila.  Paano ga naman e yung iba e nag-a-outing na sa Dec 26.  Naalis ng bahay.  E di pagdating mo sa kanila e walang haharap sa yo, wala kang papasko.  Yan ay dahil late ka na bumisita.  Walang nagawa, sumunod na lang.

Kakaiba talaga di ga?  Yan ang isang kwento na nagpapaliwanag kung baket noong una , pag December 26 ay kalat ang mga tao sa KALYE NG STA. CLARA.

Ano gang meron sa Sta. Clara? (Part 3)


Uy, part 3 na! Ibig sabihin, ang dami pala talagang “MERON” sa Sta. Clara.

Pagkatapos ng fiesta e sunod na ang November 1.   Ooopppsss, walang masyadong action sa barrio dahil ang aktibong barangay sa mga ganitong panahon eh ang San Joaquin.  Wag nang itanong kung baket.  Ang magtatanong kung baket e siguradong dayo o di lihitimong taga Sta. Clara. Kung ikaw yun, at kyuryus ka kung baket e pakitanong na laang sa katabi mo.

Basta sa gabi, yan uso na ang “Kaluluwa”.  Mga kaluluwang nagkalat sa kalye na me dalang gitara at maracas. Humanda ka! Kelangan maaga pa e magpapalit ka na ng barya. Pag tapat sa bahay nyo ng kaluluwa, yari ka!  O siguro mas tamang sabihing "yari ang yong bulsa".

Ang masaya talaga eh ito : PASKO.

Sa aming nayon ang simula ng pagdiriwang ay pagkatapos ng November 2.  Aha!  Umpisa na ng sabitan ng Christmas décor.  Patay -sindi na ang mga ilaw (na malimit e nauuso laang sa Alibang-bang, Pegasus, etc.).   Habang papalamig ang simoy ng hangin ay lumalakas na rin ang kita ang SM, Robinsons at Fiesta Mall sa Lipa.

Patalastas :  Magbubukas na raw ang SM San Pablo. Di laang daw sigurado kung grocery laang muna or buong mall na.

Ok, balik sa Pasko.  Sa simbang gabi, of course, very visible sa eksena ang mga manang.  Sila laang baga ang matatag.  Yung iba e sa unang misa laang ganado.  Tapos paunti na nang paunti ang nagsisimba.  (Tsismis : maraming nagsisimba para laang chumika,  makita ang crush at kung ano pang drama. Pero pag misa na,  ZZzzzzzzz…. tulog! )

Puputok na naman ang simbahan sa dami ng tao bago mag Noche Buena. Paano ga naman ay lahat gusto mag greet ng “Happy Birthday, Jesus”.  Tapos pasarapan ng handa sa mga bahay-bahay. 

Sa umaga naman kalat na naman sa kalye ang matanda, bata, me ngipin at wala. Pasko na eh. Suot na ang mga di pa man laang nahahanginang bagong damit. Fresh from the tindahan, wala nang laba-laba.  Pagkakataon na magpuno ng bulsa ng di naman masyadong pagod. Lakad laang at kunting kuskos ng mga kamay ng matatanda sa noo ng mga bata.  “Mano po.”  (Parang titulo ng mga pelikulang pinroduce ni Mother Lily). 

Pag bata, di na yan kakain.  Kelangan nyan e pera.  Pag matanda, me kasama pang chika at pambobola.  “Tiya, namiss kita.”  O kaya naman, “Ninang, kumusta po?”  Pero yan e inip na.  Sa loob-loob laang, “ang tagal naman magbigay.”

Sa gabi me karoling.  Yung mga naiwang kaluluwa nong Nov. 1 eh alin man sa humahabol o umuulit laang.  

Pag marami kang kamag-anak, hanggang Bagong Taon ang Pasko.  Minsan extended pa hanggang Three Kings.

“Magandang Pasko poooo!!!”   Ooopsss, “Kanino kang anak?”  Malayo nang pinsan pala, “Eto dalawang  piso.” 

“Oh , ikaw, anak ka pala ni Tita ganito.  Bente sa yo.”

“Malaki ang utang na loob ko sa Inay nyan. Eto ang singkwenta, iabot mo.”

“Yan pala ang anak ng teacher ni Junior.  Hija, eto ang sangdaan.  Pakisabi sa mommy mo,  ipasa naman ang anak ko, ha.”   (oh joke na yan.)

Bago mag Bagong Taon, me kanya-kanyang gimik yan. Me party ng kabataan, palaro sa mga bata, reunion ng mga magkakamag-anak  at  Pasahan ng Itlog ng mga Bakla.  Arruuuu!  Ang ibig kong sabihin, me party rin ang mga ikatlong gender.  At me games din minsan.  Yun nga ang sample na game,  alin man sa Pasahan ng Itlog  o  Pitikan ng Talong  (hanggang sa umusod sa finish line. Mauna , manalo.)

Media Noche naman sa New Year!  Lahat sasalubong.  Malimit sinasalubong ka ng putukan.  Pag ganyan, bilisan mo na lang ang takbo.  Palayo ha, wag palapit kung ayaw mong masaktan.

Sa lahat ng selebrasyon sa aming barangay, ang panahon ng Kapaskuhan ang pinakapaborito ko.  Sobrang saya at  dinadayo.  Walang patid ang batian ng Merry Christmas sa KALYE NG STA. CLARA.

Ano gang meron sa Sta. Clara? (Part 2)

Una, Basahan ng Pasyon.
Pangalawa,  Flores de Mayo
Pangatlo, Fiesta ng Mahal na Patrong Sta. Clara

Ang totoong fiesta ng Sta. Clara ay August 11.  Ewan ko laang sa history ng aming barangay at late kami nagse-celebrate noong araw, August 12 na.

Dati, noong bata pa ako, ang Fiesta ng Sta. Clara ay parang ordinaryong araw lamang na me misa sa umaga at ang estudyante e may pasok na sa iskul pagkatapos ng misa.  Ganoon pa man ay meron pa rin namang syam na araw na Novena.  Sabi nga eh ito ang totoong fiesta ng aming nayon pero mas bongga ang selebrasyon pag Tapusan.  Dahil kaya bongga ang mag damit ng mga reyna at sagala? Hinde naman siguro.

Mahigit twenty years na rin mula noong naging  Parokya ang Sta. Clara.  Dati ay sakop kami ng Parokya ng Sto. Tomas. Sa pagpupursige ng mga Manang at Manong na me matinding paglilingkod sa Simbahan ,  kami ay naging ganap na parokya na.  Kasama sa aming grupo ang mga katabing barangay ng San Joaquin, San Fernando, San Luis, San Francisco at Sta. Teresita.

Kauna-unahan naming parish priest si Father Mandy Panganiban.  
Noong una syang dumating sa parokya, ang tingin ko ay guapong-guapo sya.  (Patalastas:  hanggang ngayon kaya e kumakanta pa rin si Fr. Mandy ng  “Diana”?  Yung ang lyrics e “You’re so young and I’m so old. This my darling, I’ve been told…”) 
Yun nga, guapo sya noong una.  Pero dahil sya ang unang namuno sa Parokya na ng panahon na iyon e nag-a-adjust pa,  napansin ko padami na nang padami ang kanyang puting buhok.  Baka sumakit ang ulo sa aming mga parishioners.

Bale, isang araw na di ko na matandaan kung kelan e humiwalay na ang Sta. Teresita sa Parokya at sumama na lang sa Parokya na malapit sa Lipa.  Hinde ko alam kung ano ang dahilan pero sa hula ko lang eh dahil sa lokasyon nila.  Mahirap din naman talaga dahil walang byaheng regular mula Sta. Clara hanggang sa kanila.  At kung maglalakad naman e lawit na ang dila sa pagod bago maka-ahon ang mga manang. 

Kung me mga sagala sa Tapusan, nagsimula na ring magkaroon ng Hermana Mayor sa Fiesta.  Pwedeng pamilya at pwedeng samahan na konektado sa Sta. Clara.  

Wag isnabin at din na rin pahuhuli  ang mga saya at barong sa parada.  Maganda na rin ang selebrasyon mula sa unang araw ng Novena hanggang mismong Fiesta.  Sangdamakmak na rin ang mga paring nakikiisa sa misa kaya nga super festive at bongga! 
 
Makalipas ang ilang taon,  itinama na rin ang selebrasyon sa tamang petsa,  August 11.   

Pagkatapos ng term ni Fr. Mandy e sumunod naman si Father Lito Malibiran.  Nasundan ni  Father Raul Martinez at ngayon e si Father Angel Pastor.
Sa pagdaan ng panahon, at nagpalit-palit man ng pari sa parokya,  di pa rin nababawasan ang magndang selebrayon sa KALYE NG STA. CLARA.

Ano gang meron sa Sta. Clara (Part 1)

Iniisip ko nga rin, ano ga ngang meron sa Sta. Clara.

Noong di pa ako napasok sa “iskul”,  ang alam kong meron sa Sta. Clara ay ….
Basahan ng Pasyon sa Tuklong pag Mahal na Araw.  Alam mo ga ang Tuklong?  Iyung maliit na simbahan.

Ang ginagawa namin noon ay sasama kina Nanay. Sa amin ang “Nanay” ay hindi ina kundi “lola”.  Pero noong panahon namin, pag ang tawag mo sa iyong Nanay ay Lola, aba sosyal na sosyal ka na.  Siguro ang ina mo e  teacher.  Ahhh, ay lalo na kung ang tawag mo sa ina mo ay “Mommy”.  Abaaa, ay rich ito.  Yan ang mga kung pumasok sa iskul ay nakasapatos at may baon pang “Milo”.   Minsan naman ay “Ovaltine”.

Mabalik tayo sa Pasyon sa Tuklong.  Maraming nagpapakain noon.  Habang nabasa ang mga nanay namin e naka-abang naman kami kung anong susunod na pameryenda.  Ano gang pinitensya na bawal ang kumain ng marami at “patay daw si Hesus”?  Wala!  Parang nabaha ng pansit, aroskaldo, puto, sopas, goto, at kung ano-ano pa.

Pagkatapos ng mula Lunes Santo hanggang Byernes Santong magdamagang basahan ng Pasyon (take note: pataasan yan ng boses ha) ay botohan naman kung sino ang susunod na presidente ng  Kapisanan (ng Gintong Pag-asa).

Ano pa?

Dahil nag election ng Kapisanan, ang susunod na okasyon ay Flores de Mayo kung saan araw-araw ay me alay ng bulaklak sa Birheng Maria sa simbahan.  Yan e pag me handa ang tawag ay “pa-flores”.  At pag walang handa e “pakandila”.

Sa umaga e kukunin na ang “Ave Maria” sa simbahan.  Yang Ave Maria ay mga kahoy na me butas na maliliit kung saan ipinapasok ang tangkay ng bulaklak. Nakaporma yan sa salitang, AVE MARIA.  Me dalawang kahoy parang extra na nagsisilbing border sa dalawang tabi.  At tatlong malalaking kahoy na popormahan din ng bulaklak para sa Hermana sa gitna at dalawang Dama.  Sana naman sa makakabasa nito e magsend kayo ng picture at nahihirapan akong mag describe ng Ave Maria.

Pag mag-a- ala una at alas dos ng hapon e mangungusap na ng mag-aalay.  Kalat sa kalye ang mga batang babae at magpapapansin sa “mangungusap”.  Mga KSP ang dating at kulang na lang ay magprisinta na sila para makasali.

Mabalik ako
sa Ave
Maria. Ang pila kasi nyan sa simbahan e matatangkad sa likod, at paliit habang papauna.  Lahat gusto makahawak ng Ave Maria.  Minsan pag kahiyaan e according to age.  Kahit pandak ka e sige sa likod ka na lang kahit lubog ka na sa pila.

Pagtapos ng kainan e deretso sa simbahan.  Kalat ang “Kapisanan” na nagpapatigil ng ingay nga mag-aalay.  Galit nag alit naman ang mga kantura dahil sa labas ng simbahan e maingay ang Kapisanan. ( Hmmmm, maalala ko lang ha, malimit na me kinakasal na miyembro ng Kapisanan pagkakatapos ng Fiesta.  Sa “alay”  siguro nabuo ang “matamis na pagtitinginan”. )

Pag naririnig mo na ang mataginting na “LUKREMARONG”.  Sagutan yan ha.  Kanta ang Primera Kantura “aka” soloista,  “Lukremaronggggg????”  sa tonong parang nagtatanong.  Pag sumagot na ang iba ng ewan kung AMEN baga iyun. Basta alerto na ang mag-aalay at malapit na magsimula ang pagkuha ng bulaklak.

Ang inabutan ko na “Lokremaronger” o ang nagsosolo sa Lukremarong ay sina  Nanay  Kudring, Nanay Uren at Nanay Dinang yata.  Nakalimutan ko na ang iba pero ang batikang mamumuno sa dasal sa simbahan e Nanay Dinang.  Pero sa “Bihisan” naman ng Santa Clara e Nanay Ilad.

Latin ang kalahati ng dasal na pakanta at aliw na aliw ako pag nagdadasal nang halos pabulong at ang dulo ay ‘’turom”.  Ewan kung tama ga ang dinig ko kung turom nga iyon. Basta ngiti na ako pag narinig ko ‘’blah-blah-blah..turommmm”.

Sa Mayo din ang “BUNUTAN”.  Hinde ng ipen ha.  Yan e bunutan kung sino ang magrereyna sa “Tapusan” ng alay.   Pwede kang bumunot kung ikaw ay may dugong taga Sta. Clara kesehodang hindi ka dito nakatira.

Hermana, dalawang Dama, isang Sagala.  Apat lang ang papalaring mkabunot. Ang ang iba ay uuwi na dala ang pag-asang “me next year pa”.  Karamihan ng di nakakabunot ang motto ay “Never Say Die”.  Hanggang di nakakabunot, sige sa susunod na Tapusan e bunot pa rin ng bunot.  Yung iba ay di na talaga nakaswerte at nagka-asawa na. Pero dahil ang motto nga e “Never Say Die”,  pag ang anak na babae ay medyo tinutubuan na ng “boobs”, hala, bubunot na.  Itutuloy ang naunsyaming pangarap ng ina.

Ang mga nakabunot naman ay magiging busy na sa pagpapasukat at pagpili ng “saya” (gown).   Dahil sa Tapusan, sila ay rarampa na sa KALYE NG STA. CLARA.

Totoong Umpisa na

September 2010.

Umpisa na ito ng balita sa mga kalye ng Brgy. Sta. Clara.
Ilan nga ga ang kalye sa amin?  Mula sa SanLuis, pagtawid ng tulay, yan ang Kalye Kanluran.  Mula sa San Fernando, yan naman ang Kalye Silangan.  Mula sa bundok, yan ang Kalye ng Ilaya.  Meron pa.  Yung Kalyeng "Iskul".  At ang pinakasikat nung araw,  yung Grade I pa ako noon at ang teacher namin e si Mrs. Silva.  Yun ang Sentro.

Hindi laang ito talaga umpisa ng mga balitang Sta. Clara kundi ito rin ang umpisa ko ng pag-aaral ng internet.  Yung mas mataas sa level ng email at chat. Sa totoo laang eh di ko pa rin kabisado ang chat.  Inaaral ko pa kung kelan ko bibitawan ang "lol",  "sup", etc.  Ang kabisado ko pa laang na mayat-maya kong tina-type  eh "brb" pag di ko na alam ang isusulat.

Sabi ng iba e di na uso ang Friendster kaya kagabi e gumawa naman ako ng account sa Facebook. Kaya laang me nag suggest, "Why not try BLOGGING?".  Aba medyo sosyal ang tunog.  Kaya naman sabi ko laang, ng medyo  pasosyal at mala-Kris Aquinong ding sagot, "Why not!"

Ok game na !

Umpisa

Umpisa...
Pang tatlong umpisa ko na ito at di pa rin nagkaka-ayos. Try ko ulit.

Alam mo na ga ang ang papuntang Sta. Clara ???

Yung lugar na Sta. Clara e isang barangay yan sa Sto. Tomas, Batangas. Pag sasakay ka ng bus galing sa Maynila  at sinabi mong sa Sta. Clara ka pupunta, syempre malamang hindi nila alam.  Lalo na kung sa bus papuntang Lucena ka sasakay.  Kung sa bus naman na ang karatula ay “Batangas”,  malamang na sa Sta. Clara, Batangas ka ibaba.  Ay iba iyun.  Baka ika’y maligaw.

Ganare, maige pa ay sumakay ka sa sa bus na ang karatula ay “Lucena”.  Sabihin mo sa kundoktor ay baba ka sa “Kilometer Sixty-Nine”.  Tyak ang itatanong ng kundoktor, “Sa San Agustin ho?”  Sasagot ka lang ng “Uo, don nga”.
Tyak na di ka na maliligaw.  Pagdating sa bayan ng  Sto. Tomas, ay sya, alerto ka na at malapit na.  Sabagay ay malimit namang maraming nababa paglagpas sa Sto. Tomas sa Kilometer 65, don sa kanto ng San Pedro. Paglagpas nyan ay sisigaw naman ang kundoktor ng tanong na , “Bitinnnn???  Kilometer sixty-sevennnnnnn???  Me bababaaaaa???”

Pagtakbo ulit ng bus ay ipapaalala mo ng pasigaw sa kundoktor, “Mama, sa sixty nine ho”.

Pagtigil sa kanto ng San Agustin e hala, pila na ang traysikel diyan.  Sabihin mo e Sta. Clara ka. Ang pamasahe  ay depende kung saan kang KALYE NG STA. CLARA.