Kumusta na ga ang Sta. Clara? At ang mga taga Sta. Clara?
Balita ko, maraming bata ang naospital. Nadale daw ng Dengue. Ang masakit pa nito, dalawa na ang namatay. Kainaman nang mga lamok iyan. Talagang perwisyo. Palaging gay-an basta’t natapos ang ulan, me dadaanan ng lagnat at dengue.
Kung sana may isang super hero na ang pangalan ay Kapitan Katol, sana’y ayus ang mga problemang ito. Imagine-nin mo, biglang me lilitaw na lalaking matipuno ang katawan. “Plok!” (ehem parang hindi maganda ang sound epek ah. Parang pumatak na tooot-tooot sa inodoro). Di bale sound epek laang naman yan. Ang importante ang magiging role nya sa sambayanan. Nakasuot sya ng green costume na me kapa sa likod. Naka boots kahit di naman baha at di rin naman winter. At kagaya ng ibang super hero, nauna nyang isunuot ang pantalon bago sya nag brief. Hehe. At nakasulat sa costume nya sa me dibdib ang pinaiksing “Kapitan Katol”, ang kanyang initial na “KK”. (Mukhang ang sagwa rin, ano?)
Ituloy ang imagination. Paglipad ni Kapitan Katol, iikot sya ng iikot na me kasunod na usok. Siguro ang magiging tag line nya ay ito : “pag nadaanan ka ng aking usok, kayong mga lamok, siguradong tepok”. Ayan patok ang tag line.
Hindi naman siguro bagay na si Darna ang umentrang super hero sa panahong ito. Hindi naman si Valentina ang kalaban natin, di ga? At saka, ang balita ko, patay na daw si Darna. Tsk.. tsk… tsk. Noong huling lakad daw nila ng kapatid na si Ding na taga tago ng kanyang mahiwagang bato, panay daw ang paninirador ni Ding ng ibon sa daan. Sa kasamaang palad, nagamit ni Ding na bala ng tirador ang mahiwagang bato at di na naibalik sa kanya.. E biglang me sumulpot na mga kalaban.
Sumigaw bigla si Narda, “Ding ang bato!” Kaso wala na nga ang bato. Nataranta si Ding. Dumampot ng kahit anong bato sa lupa at inihagis, shoot sa bibig ni Narda. Sumigaw na muli si Narda ng walang kanerbyos-nerbyos na “Darnaaaaaaa!!!!!”. Ngunit di sya nagpalit anyo. At sa malas ay nabilaukan sya. Di na nakahinga at naging dahilan ng kanyang pagkamatay. Huhu. Nakakaiyak talaga.
Pero di dyan nagtatapos ang kwento. Dahil ipina autopsy pa ang bangkay ni Narda na di na kailanman naging Darna ulit. Ang nadampot pala ni Ding na inihagis sa kanyang bibig ay hindi bato kundi ipot. Opo, ipot ng ibon na kanyang tinirador. Di naman tinamaan ang ibon pero dahil nakitang me tumirador sa kanya, ang ibong ito ay na-tense. Napaipot ng wala sa oras sa ere. Nahulog ang ipot sa tapat ni Ding at iyon ang kanyang nadampot. Kawawang Darna, sa dami ng kanyang tinalo sa labanan, sa ipot laang pala sya mamamatay.
Pero alam nyo ga kung anong klaseng ibon naman ang tinirador ni Ding na magaling umiwas sa tama ng bato? Yan naman ang Ibong Adarna. Pero di ko na ikukwento ang sumunod na buhay nya pagkatapos umiwas sa bato gawa nang hahaba na ang istorya ng Dengue.
Sabi ko pa naman, dapat ang bida sa problemang ito ay si Kapitan Katol. Pero kung baga sa pelikula ay mas nauna pa sa billing si Darna at Ding. Muntik pang umepal si Ibong Adarna kung di ko pa nasilip na mag alas tres na pala ng hapon at patapos na ang aking coffee break. Hehe.
Yan ang istorya ng solusyon sa Dengue. At sana pagkatapos ng kwentong ito ay wala na tayong mabalitaan nagkasakit na bata sa kalye ng Sta. Clara.
No comments:
Post a Comment