Popular Posts

Monday, October 25, 2010

Mga Eksena sa Barangay Election

Oktubre 24, 2010.  Silipin natin ang ilang eksena sa
Halalang Pang-Barangay.















Abangan kung sino ang mga bagong konsehal at kapitan na magte-tenk yu bukas sa KALYE NG STA. CLARA.















                                                       

Friday, October 22, 2010

Anong kinain mo sa reses sa iskul noong araw ?

Natatandaan mo pa ga ang  mami sa tindahan ni Ka Pacing sa mismong harap ng gate ng iskul?  Sa harap nila ang tindahan pero me lamesa sa kusina nila at doon nakaupo ang mga kumakain ng mami. Puro higop laang ng sabaw at ititira ang mike.  Pag naubos ang sabaw ay hihinge ulet.  Parang hanggang hinde natunog ang bell ng iskul ay panay ang hinge at higop at pag nag bell na saka laang kakainin ang laman at pagtayo ay tulo na ang pawis.  Solved !!!




Marami rin tayong binibiling kendi na “Yes” at “Caramel”.  Andyan din ang makunat na kulay pulang “Tira-tira”. Hinde ko alam kung anong presyo ang inabot mo pero yung presyo na inabot ko, ayaw kong pag-usapan at mahahalata ang edad  ng mga kabatch ko.  Mas bata ako ng isang taon sa kanila.  Hehe.


Nakakain ka rin baga ng “Sundot-Kulangot”?  Matamis-tamis yun.   Matamis din ang “Sangkaka” , “Pakumbo”  at  “Buk(h)ayo”.   E yung “Mr Cinco”   inabot mo?   Kung wala kang pambala sa pamamaril ng ibon sa bundok e pede mo na rin yan ipanghalili yang Mr. Cinco.  Mura pa.  

Eto ang isa pang nakakamiss,  iyung “Sumang Yapos”  ng Nanay Tinang.  Nakpwesto yan sa me tagiliran din ng tarangkahan ng iskul.  Me kaunting habong.  Pag inilagay sa platito ang suman ay maiiwan ang dahon sa ilalim para di dikit sa mismong platito.  Saka bubuhusan ng malapot na “kalamay-hate”.  Ayyyy, nakakatakam.  Me libre nang isang basong tubig yan para mabusog ka.  Burrrppp !  (Excuse me po!)

Naalala mo pa ga ang Nanay Nate na nagtinda ng “Bibingkang Kanin”?  Wala yang regular na pwesto sa harap ng iskul. Pag laang me tinda sya ay me dalang dalawang “bangkito”.  Ang isa ay uupuan nya, ang isa ay pagpapatungan ng bilao.  Sarap na sarap ako dyan sa malagkit na puti ang ilalim pero ang ibabaw e me parang arnibal o kalamay-hate din yata. Hinahati nang pa –diagonal.  Panay ang pilian ng mga bata kung alin ang pinakamalaking hati.  Kakaiba ang lasa.  Kaka-adik.

 E yung tinuhog na dalawang saging na me asukal,  inabot mo? Banana-Q. iyon.  Pero noong bata ako , pag bumili kami noon e ganito, “Pabili po ng isang barbikyu”.   Sabagay parehas din naman ang tunog.  Parehong me “Q”.  Pwede na rin iyun.  Ang batikang nagtitinda nyan ay Nanay Nura.   Pag medyo sawa na sa “barbikyu”  ay “Sagimis” naman.   Yan namang sagimis ay walang iba kundi ang mahiwagang “Turon”.


Hanggang umabot na sa pati ang Nanay Juaning Baled ay nagdadala na rin ng tinapay sa iskul. Ibabagsak sa mga maestra at ititinda ng estudiante.  Pag meron kayong class officers,  malamang ang naka assign sa inyo ay ang “Business Managers”.  O di ga at ginagampanan ang tungkulin. Minsan naman e me naka assign kada araw.  Dala-dalawang estudiante.  Sumasawa na rin naman ang Buss Managers na magbilang ng di nila pera.  Me extra grade na laang  siguro sa practical arts or sa  “extra curricular activities” ang masisipag magtinda.

Saan ga napunta ang mga kinita sa tinapay?  Malamang ito ay pondo ng iskul.  Kesa naman mag-ambagan pa ang mga magulang ng bata sa mga proyekto ng iskul  e dyan na lang sa tubo hinuhugot. Ewan ko rin laang pero parang pati floor wax naming ginagamit sa classroom e galing sa tinubong yan.

Dumating ang panahon na nagtitinda na rin ng mami sa bahay nina Ka Letting Ado.  Sumunod ang kay Ka Normang Edren.

So far e yan pa laang ang aking naalala sa mga kinain ko ng reses noong araw.
Ikaw, klasmeyt,  me naalala ka pa ga?

Ang maganda lang nyan,  hinde na masyadong maiinitan at mahihirapan ang mga nagtitinda sa reses dahil me mga pwesto sila na malapit sa eskwelahan,  tindahan mang totoo yon o  temporary lamang.  Mas magaan na rin yan kesa naman maglako pa sila sa KALYE NG STA. CLARA.

Sunday, October 10, 2010

Pagpupugay sa Maestra ko ng Grade 1

Ano bagang mga natutunan ko sa elementarya noong araw ? Eto ang sample ng simpleng dialogue.

Son   : Hmmmnnn, something smells good.  Are you cooking chicken, Mother?”

Mother :   Yes , but it isn’t ready yet.  I need some water.  Please get some more firewood , too. And hurry, Edna, set the table for six.  The spoon and fork are in the drawer.

Daughter (or Son baga ito?)  :  Oh , Mother, look at the cat. It’s getting the fish.

Mother :  Quick, get that cat out of here.  Put the fish in the cupboard.

Akalain mo, ilan kaming estudiante na naturuan isa-isa para masaulo lang ang dialogue na yan. Tatayo pa kami  sa una para i–recite a mga ganitong drama.

Sa Grade 1 din ako natuto ng “shapes”  gaya ng circle, triangle,  square at rectangle.  Itinuro yan ng maestra sa paraang mas maa-appreciate ng bata sa pamamagitan ng “Kiko’s Made Of”.  Bubuuin namin si Kiko gamit ang mga shapes na iyan.  Pagkatapos ay isasabit sa dingding according sa ganda ng gawa.  Malas mo na lang kung ang ginawa mo ay nasa kailaliman. Me ibig sabihin yan.  Hehe.

Nakakamiss din ang “Good morning, Mrs. Silva.  Good morning, classmates”. Ayan ay sa umaga pagkatapos magdasal. Sa pag-uwi naman ay ,”Goodbye, Mrs. Silva.  Goodbye, classmates.”

Sa Grade 1 din ako natuto ng pagsulat nang maayos mula sa vertical bars gaya nito :     lllll     at horizontal bars , ayan di ko na kayang i-drawing dito yan.  Basta linya din yan na pahiga naman.  Hanggang natuto na ako ng A.B.C. sa ingles at sa tagalog naman   ay     A, Ba, Na, Ka, Ka, Ba, Sa , Ka , Na , Pa, La.

Syempre saan ko ba unang nakilala ang one, two , three or isa, dalawa, tatlo hanggang sampu?  Di baga at sa maestra ko din ng Grade 1?  Na sa pagdating ng panahon sa impluwensya ng kapaligiran (o, wala nang kinalaman ang maestra dito ha)  ay umabot na sa trenta’y syete sa iba’t-bang kumbinasyon.  Minsan, tumbok, minsan naman ay sahod.

Paglagpas ng bilang na trenta’y syete ay natutunan ko rin ang hanggang seventy-five.  Me kakambal pang letra at deskripsyon  kung isigaw gaya ng “….sa letrang B, takot na takot,  treseeee…”.   Pero iyan, sa labas ko na ng classroom natutunan.

Paano ba tumingin sa relo?  Naku tandang-tanda ko na  naggupit kami  sa lumang kalendaryo ng one (1) to twelve (12) at ipinagkit namin sa kartolinang bilog at nilagyan ng maliit at malaking kamay na korteng arrow.  Gumawa kami ng orasan.

Ilan lang yan sa marami naming natutunan sa aming buhay Grade 1.




 (note: wag mo nang hulaan kung sino ako dyan, malilito ka laang. nagtatago ako sa puno, di mo ako masisilip dahil wala akong sapatos. nakasipit laang ako.)


Kaya naman mataas ang tingin ko ke Mrs.  Silva, ang kauna-unahan kong teacher sa paaralan at sa lahat ng iba pang Grade 1 teachers.  Dahil naniniwala ako na noong panahon namin na di pa masyadong uso ang Kinder at Prep School ( na kung meron man ay pang rich laang), ang mga Grade 1 teachers ang simula ng magandang pundasyon ng mag-aaral.  

Sa lahat ng Grade 1 teachers, mabuhay po kayo !!!  Mataas ang respeto ko sa inyo.  Kaya nararapat lamang na kayo ay aming   i-greet pag nakasalubong namin kayo sa KALYE NG STA. CLARA.

Friday, October 8, 2010

baket ayaw....

baket ayaw mag load ang isa kong kwento?  yan ang hirap pag di ka marunong masyado sa computer at internet.  simpleng problema , di magawan ng paraan.

hmmmmnnn.  ulitin ko na lang bukas kung may panahon at maalala ko pa ang mga sinulat ko.  kung hinde naman,  hala eh gumawa na lang ng bagong kwento.

kung me mga typo error itong mga ginawa ko, sensya na at hindi talaga ako nag-e-edit.  kung ano na lang pumasok sa utak ko, yan lang ang tinitipa sa keyboard ng mga daliri ko.  yung iba naman, hindi yan typo error, talagang mahina ako ispeling kahit noon pang araw.

kaya kung me bata na  makikibasa sa inyo,  pakigabayan lang.  ito ay para lang personal journal.  ito'y mga simpleng kwento, hindi ito libro.

gusto ko lang ipaalala sa sarili ko at marahil sa mga nakakabasa nito ng mga magagandang pangyayari sa KALYE NG STA. CLARA.

Sa iskul noong araw . . .

… masaya ang mga bata pag me bunga ang puno ng mangga sa “loob ng iskul”.  Abot ang paltok dyan ng  bato at “uyo”  pag Sabado. Pipiliting manlaglag.  Minsan ginagamit ding pambato ang tsinelas.

--- minsan naman ay mangunguha ng salagubang gamit ang “patda” ng mangga.   Pag nakahuli ay itatali ng liting at paliliparin nang paikto-ikot hanggang mahilo. Hmmmmnnn nahihilo ba ang salagubang?
--- ayaw na ayaw namin ng Byernes.  Paano naman ay magdadala ka ng “as-is”  pagpasok mo sa tanghali at pipilitin mong alisin ang libag ng iyong “desk”.  Kumparahan at paputian.  Ang masisipag ay may dala pang tubig at basahan.  Ang mga tamad naman ay pahingi-hingi lang ng dala ng iba. Isa ka ga doon?

--- pataasan ng lundag sa luksong tinik at pataasan ng paa sa pagkalwit sa “chinese garter”.  Malimit ang mga babae ay naglililis pa ng palda para di sumabit. 

--- pag sinabihan ka ng maestra na bukas ay me class picture taking, asahan mo me papasok bukas na nakasapatos.  Paano e gusto nila ay sila ang nasa una para nga naman sa litrato ay kitang-kita.  Sa likod naman nakapwesto ang mga nakatsinelas para di masilip ang mga paa.

--- pag bibisita ang district supervisor or mayroong achievement test, isang lingo kayong walang patid,  umaga at hapon na mag-aayos ng garden.  Malamang pipinturahan nyo pa ang mga bato para magandang tingnan.

--- sa pagsisimula ng school year e ay  sasabihin ng maestra na lahat ay magdadala ng “urang”.  Pag nakapagdala kayo ng urang ay susunod na ipapadala ay “tae ng kabayo”.  Hahahahahaha!  Akalain mo iyun, lalakad ang mga estuduante sa kalye na  lahat me bitbit na tae ng kabayo. 

--- uso ang kuhanan ng “ninang” at “ninong”  pag me “scout investiture ceremony”.  Dyan mo maririnig ang “Star Scout Promise”,  “Panunumpa sa Watawat”,  “Pangako ng Boy Scout” at kung ano-ano pa.   Syempre dahil mukhang nagbinyagan din naman ay me bigayan din ng sobre pagkatapos.   Pagtalikod ng ninong at ninang ay bukasan na ang sobre at magtatanungan, “magkano ang sa yo?”.  Ayos, takbuhan na sa tindahan at bibili na ng palamig.


--- speaking of palamig sa iskul noong araw, mas malimit yan na walang lasa pero inuman pa rin kami dahil me kulay baga. Maiba naman sa tubig.  At saka iba rin yung pag nag-uusap kayo ng mga kaeskwela mo  e me dala kang plastic na me straw at panay ang sipsip kesa tubig sa baso na walang kadating-dating.  Haha!


--- sa umpisa pala ng klase kung kelan bago ang lahat ng notebooks , kelangan na maganda at malinis. Me pabalat pa yan na lumang pambalot sa regalo.  Sa mga “rich” nga eh mayroon pang plastic cover.  Maayos ang pagsulat sa una.  Dahan-dahan.  Bago nalao’y pwede na rin ang sulat na iwa-iwarang.  Ay ano ga ay luma na naman.

--- Row 1.  Matatalino daw yan.   Row 2, average. Row 3,  malapit na sa Row 4.  At Row 4… hmmmmnnn, alam mo na. Bato-bato sa langit, ang tamaan wag magalit.  Napapag-usapan lang.  Pero ang matindi nyan kung me Row 5 pa.  Ibig sabihin, umaapaw na kami sa Row 4 at kelangan na ng extension.  Siguro ito ang tipong bawat titig sa amin ng teacher ay parang sinasabing ,"see you next year".  Ito talagang maestra ko, kaming nasa Row 5 ay mahal na mahal.  Ayaw na kaming pakawalan.

… bago umuwi ang mga bata ay basa ng pawis sa paglalaro ng “sikyo”.  Pag buenas ka uuwi kang sumisigaw ng “uwian na…. uwian na…”.  Pag malas naman ay uuwi kang me “bangas” sa mukha.  Alin man sa ikaw ay nabangga ng kahabulan mo sa sikyo  o  ikaw ay sumadsad ang mukha sa lupa ng “tagain”  ka ng kalabang grupo.  Hindi naman yan masyadong masakit.  Dahil ang pagtaga naman ay palad lang ginagamit, hindi “gulok”.  Maraming bata ang tumatakbo na tapak at ang “sipit”  na dapat sana sa paa ay nakasuot sa palad.

--- paglabas ng tarangka ng iskul  ay me kwentuhan , me tsismisan at tawanan.   Ugong na habang naglalakad pauwi ang mga estudiante sa KALYE NG STA. CLARA.