Popular Posts

Saturday, September 3, 2011

Imagine-nin mo: ano ga ang pwedeng sagot sa problema sa Dengue?

Kumusta na ga ang Sta. Clara?  At ang mga taga Sta. Clara?

Balita ko, maraming bata ang naospital.  Nadale daw ng Dengue. Ang masakit pa nito, dalawa na ang namatay.  Kainaman nang mga lamok iyan.  Talagang perwisyo.  Palaging gay-an basta’t natapos ang ulan,  me dadaanan ng lagnat at dengue. 

Kung sana  may isang super hero na ang pangalan ay  Kapitan Katol,  sana’y ayus ang mga problemang ito.  Imagine-nin mo,  biglang me lilitaw na lalaking matipuno ang katawan.  “Plok!”  (ehem parang hindi maganda ang sound epek ah. Parang pumatak na tooot-tooot  sa inodoro).  Di bale sound epek laang naman yan.  Ang importante ang magiging role nya sa sambayanan.  Nakasuot sya ng green costume na me kapa sa likod.  Naka boots kahit di naman baha at di rin naman winter.  At kagaya ng ibang super hero,  nauna nyang isunuot ang pantalon bago sya nag brief.   Hehe.   At nakasulat sa costume nya sa me dibdib ang  pinaiksing “Kapitan Katol”,  ang kanyang initial na  “KK”.   (Mukhang ang sagwa rin, ano?)

Ituloy ang imagination.   Paglipad ni Kapitan Katol,  iikot sya ng iikot na me kasunod na usok.   Siguro ang magiging tag line nya ay ito : “pag nadaanan ka ng aking usok,  kayong mga lamok, siguradong tepok”.    Ayan patok ang tag line. 



Hindi naman siguro bagay na si Darna ang umentrang super hero sa panahong ito.  Hindi naman si  Valentina ang kalaban natin, di ga?  At saka, ang balita ko,   patay na daw si Darna.  Tsk.. tsk… tsk.   Noong huling lakad daw nila ng kapatid na si Ding na taga tago ng kanyang mahiwagang bato, panay daw ang paninirador ni Ding ng ibon sa daan.  Sa kasamaang palad,   nagamit ni Ding na bala ng tirador ang mahiwagang bato at di na naibalik sa kanya..  E biglang me sumulpot na mga kalaban.   

Sumigaw bigla si Narda, “Ding ang bato!”    Kaso wala na nga ang bato.  Nataranta si Ding.  Dumampot ng kahit anong bato  sa lupa at inihagis, shoot sa bibig ni Narda.  Sumigaw na muli si Narda ng  walang kanerbyos-nerbyos na  “Darnaaaaaaa!!!!!”.   Ngunit di sya nagpalit anyo.  At sa malas ay nabilaukan sya.  Di na nakahinga at naging dahilan ng kanyang pagkamatay.  Huhu.  Nakakaiyak talaga.

Pero di dyan nagtatapos ang kwento.  Dahil ipina autopsy pa ang bangkay ni Narda na di na kailanman naging Darna ulit.  Ang nadampot pala ni Ding na inihagis sa kanyang bibig ay hindi bato kundi ipot.  Opo, ipot ng ibon na kanyang tinirador.  Di  naman tinamaan ang ibon  pero dahil nakitang me tumirador sa kanya,  ang ibong ito ay na-tense.  Napaipot ng wala sa oras sa ere.  Nahulog ang ipot sa tapat ni Ding at iyon ang kanyang nadampot.  Kawawang  Darna,  sa dami ng kanyang tinalo sa labanan, sa ipot laang pala sya mamamatay.

Pero alam nyo ga kung anong klaseng ibon naman ang tinirador ni Ding na magaling umiwas sa tama ng bato?  Yan naman ang  Ibong Adarna.  Pero di ko na ikukwento ang sumunod na buhay nya pagkatapos umiwas sa bato  gawa nang hahaba na ang istorya ng Dengue.

Sabi ko pa naman, dapat ang bida sa problemang ito ay si Kapitan Katol.   Pero kung baga sa pelikula ay mas nauna pa sa billing si Darna at Ding.  Muntik pang umepal si Ibong Adarna kung di ko pa nasilip na mag alas tres na pala ng hapon at patapos na ang  aking coffee break.  Hehe.

Yan ang istorya ng solusyon sa Dengue.  At sana  pagkatapos ng kwentong ito ay wala na tayong mabalitaan nagkasakit na bata sa kalye ng Sta. Clara.

Wednesday, March 30, 2011

graduation

Kumusta na, mga kanayon?

Ang tagal kong nawala.  Paano  ga naman ay maraming inayos.  Ay ano na gang bago?
Sa Sta. Clara ay ito,  naambon.  Sabi nga ng isang taga Kanluran, " Ala eh, napiyayay na naman."  Hehe.

Marso ngay-on  at ang uso ay,  korek ka, graduation !
Tanda ko noong araw,  pag ganyang isang linggo pa bago mag- graduation ay praktisan na laang nang praktisan ang mga batang magsisipagtapos.   Kasabay ng background music  ay aakyat  sa stage.  Kunwari ay tatanggap ng diploma.  Me pakamay-kamay pa.

Pagkatapos ay ang "graduation song"  naman.  Chorus.  One, 2, 3, sing!
Yun namang mga bata na hindi gagraduate, pag me pambili ng saya at barong  ay kasali sa sayaw.  Kaya ayun practice din.  At ang mga honor students naman na sasabitan ng ribbon at medalya ay nag-iisip na rin ang mga ina kung anong ipapasuot sa anak na medyo bongga.  Minsan me mga ina naman na kung magsabit ng ribbon sa anak ay mas bongga pa ang porma kesa sa sinasabitan.

Syempre noong una pag gay-ang graduation ay sikat na naman ang "palamig"  na walang lasa pero me kulay na sinisipsip sa plastic.   Doon sa lumang iskul noong araw,  pila ang mga tindahan sa  loob.  Pinapayagan sila dyan magtinda pag graduation.  Kaya ang mga batang manonood laang  e kelangan pang me baon.

At ito ang hinihintay ng mga gagraduate,  ang regalo ng mga kamag-anak at kaibigan.  Hindi sapat na "congratulation"  laang.  Kailangan naman e me "abot" para mas masaya.
Ngayon kaya,  ganoon pa rin?  Hindi ko alam.  Minsan nga e pag me panahon,  kahit wala akong kakilalang gagraduate e makapanood nga.   Matingnan kung parehas pa baga ang istorya ngayon ng graduation at noong una.

Pero iisa ang aking sigurado.  Tyak pagtapos ng graduation ceremony, kalat na naman ang tao sa Kalye ng Sta. Clara.

Friday, January 14, 2011

been a long time

Aba, napansin ko lang,  ang huli ko palang pagsulat dito ay noon pang barangay election. marami na pala akong namiss.  ang fiesta, ang all saints day , simbang gabi, ang pasko at bagong taon.

Balita ko marami daw ang nag-uwian na balikbayan noong nagdaang August.  Pero mas marami daw noong Pasko.   Dyan naman ako hanga sa ating mga kababaryo, kahit gaano man kalayo ang narating, hindi nakakalimot sa iniwang lugar.

Kayo ba, anong balita nyo?

Wala pa ako sa mood magsulat.  Ayaw gumana ang aking utak.  Minsan marami akong naiisip pero natataon  na busy sa kaunting pinagkikitaan.  Minsan naman kapag walang ginagawa at may panahon na mag update sa blog, saka naman parang nilipad ang aking mga ideya.

Hindi bale,  isang araw, sisipagin din ako  at marami na namang kwentong ibabahagi na nangyari sa kalye ng Sta. Clara.




 

Bagong Taon, anong balita?

walang masyadong balita.   basta kahit tapos na ang pasko ay ramdam pa rin ang malamig na simoy ng hangin sa kalye ng sta. clara.

Monday, October 25, 2010

Mga Eksena sa Barangay Election

Oktubre 24, 2010.  Silipin natin ang ilang eksena sa
Halalang Pang-Barangay.















Abangan kung sino ang mga bagong konsehal at kapitan na magte-tenk yu bukas sa KALYE NG STA. CLARA.















                                                       

Friday, October 22, 2010

Anong kinain mo sa reses sa iskul noong araw ?

Natatandaan mo pa ga ang  mami sa tindahan ni Ka Pacing sa mismong harap ng gate ng iskul?  Sa harap nila ang tindahan pero me lamesa sa kusina nila at doon nakaupo ang mga kumakain ng mami. Puro higop laang ng sabaw at ititira ang mike.  Pag naubos ang sabaw ay hihinge ulet.  Parang hanggang hinde natunog ang bell ng iskul ay panay ang hinge at higop at pag nag bell na saka laang kakainin ang laman at pagtayo ay tulo na ang pawis.  Solved !!!




Marami rin tayong binibiling kendi na “Yes” at “Caramel”.  Andyan din ang makunat na kulay pulang “Tira-tira”. Hinde ko alam kung anong presyo ang inabot mo pero yung presyo na inabot ko, ayaw kong pag-usapan at mahahalata ang edad  ng mga kabatch ko.  Mas bata ako ng isang taon sa kanila.  Hehe.


Nakakain ka rin baga ng “Sundot-Kulangot”?  Matamis-tamis yun.   Matamis din ang “Sangkaka” , “Pakumbo”  at  “Buk(h)ayo”.   E yung “Mr Cinco”   inabot mo?   Kung wala kang pambala sa pamamaril ng ibon sa bundok e pede mo na rin yan ipanghalili yang Mr. Cinco.  Mura pa.  

Eto ang isa pang nakakamiss,  iyung “Sumang Yapos”  ng Nanay Tinang.  Nakpwesto yan sa me tagiliran din ng tarangkahan ng iskul.  Me kaunting habong.  Pag inilagay sa platito ang suman ay maiiwan ang dahon sa ilalim para di dikit sa mismong platito.  Saka bubuhusan ng malapot na “kalamay-hate”.  Ayyyy, nakakatakam.  Me libre nang isang basong tubig yan para mabusog ka.  Burrrppp !  (Excuse me po!)

Naalala mo pa ga ang Nanay Nate na nagtinda ng “Bibingkang Kanin”?  Wala yang regular na pwesto sa harap ng iskul. Pag laang me tinda sya ay me dalang dalawang “bangkito”.  Ang isa ay uupuan nya, ang isa ay pagpapatungan ng bilao.  Sarap na sarap ako dyan sa malagkit na puti ang ilalim pero ang ibabaw e me parang arnibal o kalamay-hate din yata. Hinahati nang pa –diagonal.  Panay ang pilian ng mga bata kung alin ang pinakamalaking hati.  Kakaiba ang lasa.  Kaka-adik.

 E yung tinuhog na dalawang saging na me asukal,  inabot mo? Banana-Q. iyon.  Pero noong bata ako , pag bumili kami noon e ganito, “Pabili po ng isang barbikyu”.   Sabagay parehas din naman ang tunog.  Parehong me “Q”.  Pwede na rin iyun.  Ang batikang nagtitinda nyan ay Nanay Nura.   Pag medyo sawa na sa “barbikyu”  ay “Sagimis” naman.   Yan namang sagimis ay walang iba kundi ang mahiwagang “Turon”.


Hanggang umabot na sa pati ang Nanay Juaning Baled ay nagdadala na rin ng tinapay sa iskul. Ibabagsak sa mga maestra at ititinda ng estudiante.  Pag meron kayong class officers,  malamang ang naka assign sa inyo ay ang “Business Managers”.  O di ga at ginagampanan ang tungkulin. Minsan naman e me naka assign kada araw.  Dala-dalawang estudiante.  Sumasawa na rin naman ang Buss Managers na magbilang ng di nila pera.  Me extra grade na laang  siguro sa practical arts or sa  “extra curricular activities” ang masisipag magtinda.

Saan ga napunta ang mga kinita sa tinapay?  Malamang ito ay pondo ng iskul.  Kesa naman mag-ambagan pa ang mga magulang ng bata sa mga proyekto ng iskul  e dyan na lang sa tubo hinuhugot. Ewan ko rin laang pero parang pati floor wax naming ginagamit sa classroom e galing sa tinubong yan.

Dumating ang panahon na nagtitinda na rin ng mami sa bahay nina Ka Letting Ado.  Sumunod ang kay Ka Normang Edren.

So far e yan pa laang ang aking naalala sa mga kinain ko ng reses noong araw.
Ikaw, klasmeyt,  me naalala ka pa ga?

Ang maganda lang nyan,  hinde na masyadong maiinitan at mahihirapan ang mga nagtitinda sa reses dahil me mga pwesto sila na malapit sa eskwelahan,  tindahan mang totoo yon o  temporary lamang.  Mas magaan na rin yan kesa naman maglako pa sila sa KALYE NG STA. CLARA.

Sunday, October 10, 2010

Pagpupugay sa Maestra ko ng Grade 1

Ano bagang mga natutunan ko sa elementarya noong araw ? Eto ang sample ng simpleng dialogue.

Son   : Hmmmnnn, something smells good.  Are you cooking chicken, Mother?”

Mother :   Yes , but it isn’t ready yet.  I need some water.  Please get some more firewood , too. And hurry, Edna, set the table for six.  The spoon and fork are in the drawer.

Daughter (or Son baga ito?)  :  Oh , Mother, look at the cat. It’s getting the fish.

Mother :  Quick, get that cat out of here.  Put the fish in the cupboard.

Akalain mo, ilan kaming estudiante na naturuan isa-isa para masaulo lang ang dialogue na yan. Tatayo pa kami  sa una para i–recite a mga ganitong drama.

Sa Grade 1 din ako natuto ng “shapes”  gaya ng circle, triangle,  square at rectangle.  Itinuro yan ng maestra sa paraang mas maa-appreciate ng bata sa pamamagitan ng “Kiko’s Made Of”.  Bubuuin namin si Kiko gamit ang mga shapes na iyan.  Pagkatapos ay isasabit sa dingding according sa ganda ng gawa.  Malas mo na lang kung ang ginawa mo ay nasa kailaliman. Me ibig sabihin yan.  Hehe.

Nakakamiss din ang “Good morning, Mrs. Silva.  Good morning, classmates”. Ayan ay sa umaga pagkatapos magdasal. Sa pag-uwi naman ay ,”Goodbye, Mrs. Silva.  Goodbye, classmates.”

Sa Grade 1 din ako natuto ng pagsulat nang maayos mula sa vertical bars gaya nito :     lllll     at horizontal bars , ayan di ko na kayang i-drawing dito yan.  Basta linya din yan na pahiga naman.  Hanggang natuto na ako ng A.B.C. sa ingles at sa tagalog naman   ay     A, Ba, Na, Ka, Ka, Ba, Sa , Ka , Na , Pa, La.

Syempre saan ko ba unang nakilala ang one, two , three or isa, dalawa, tatlo hanggang sampu?  Di baga at sa maestra ko din ng Grade 1?  Na sa pagdating ng panahon sa impluwensya ng kapaligiran (o, wala nang kinalaman ang maestra dito ha)  ay umabot na sa trenta’y syete sa iba’t-bang kumbinasyon.  Minsan, tumbok, minsan naman ay sahod.

Paglagpas ng bilang na trenta’y syete ay natutunan ko rin ang hanggang seventy-five.  Me kakambal pang letra at deskripsyon  kung isigaw gaya ng “….sa letrang B, takot na takot,  treseeee…”.   Pero iyan, sa labas ko na ng classroom natutunan.

Paano ba tumingin sa relo?  Naku tandang-tanda ko na  naggupit kami  sa lumang kalendaryo ng one (1) to twelve (12) at ipinagkit namin sa kartolinang bilog at nilagyan ng maliit at malaking kamay na korteng arrow.  Gumawa kami ng orasan.

Ilan lang yan sa marami naming natutunan sa aming buhay Grade 1.




 (note: wag mo nang hulaan kung sino ako dyan, malilito ka laang. nagtatago ako sa puno, di mo ako masisilip dahil wala akong sapatos. nakasipit laang ako.)


Kaya naman mataas ang tingin ko ke Mrs.  Silva, ang kauna-unahan kong teacher sa paaralan at sa lahat ng iba pang Grade 1 teachers.  Dahil naniniwala ako na noong panahon namin na di pa masyadong uso ang Kinder at Prep School ( na kung meron man ay pang rich laang), ang mga Grade 1 teachers ang simula ng magandang pundasyon ng mag-aaral.  

Sa lahat ng Grade 1 teachers, mabuhay po kayo !!!  Mataas ang respeto ko sa inyo.  Kaya nararapat lamang na kayo ay aming   i-greet pag nakasalubong namin kayo sa KALYE NG STA. CLARA.